Mga senador, umaasang mas pagbubutihin ni Sec. Duque ang trabaho

Umaasa ang mga senador na kaakibat ng pagpapatuloy ng pamumuno sa Department of Health (DOH) ay mas pagbubutihin pa ni Secretary Francisco Duque III ang trabaho kaugnay sa COVID-19 crisis.

Ayon kay Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go, dapat ayusin ni Duque ang trabaho dahil ibinigay naman ng Pangulo ang tiwala at kailangang resources dito bukod pa sa suporta ng buong gobyerno at pribadong sektor.

Binigyang diin naman ni Senator Sonny Angara, na dapat maging mas bibo ang liderato ng DOH para magtagumpay ang laban sa COVID-19 dahil buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay.


Paliwanag ni Senator Grace Poe, ang kailangan natin ay isang liderato sa DOH na talagang nakakaintindi, na magbibigay ng mga tamang desisyon at inspirasyon para mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19.

Giit naman ni Senator Joel Villanueva, dapat patunayan ni Duque na karapat dapat itong manatili bilang health expert o leader ng DOH bilang sukli sa serbisyo ng libu-libong health workers na naglalagay sa panganib sa kanilang buhay para sa mga tinatamaan ng coronavirus.

Inaasahan naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang paghingi ng paumanhin ni Duque at pag-amin sa mga pagkukulang ay masusundan ng positibong aksyon sa mga isyu at hinaing ng mga taga-DOH mismo at mga health workers.

Sabi ni Lacson, ang mga ito ang naglapit sa mga senador ng mga basehan kung bakit nila hiniling ang pagbibitiw ni Duque.

Isinisi naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa kawalan ng sinseridad ni Duque na magsagawa ng contact tracing sa simula pa lang ang patuloy na paglobo ng mga tinatamaan ng virus.

Hamon naman ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. kay Duque, patunayan na karapat-dapat ito sa suporta ng taumbayan at sa tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pamumuno at kakayahan.

Facebook Comments