
Ilan pang senador ang nanawagan sa Department of Energy (DOE) at sa Energy Regulatory Commission (ERC) na i-monitor ang generation companies para matiyak na makapagbibigay ang mga ito ng sapat na suplay ng kuryente sa panahon ng tag-init.
Ayon kay Senador Lito Lapid, dapat na bantayan ng mga naturang ahensya kung sumusunod ba ang mga generation companies sa mga maintenance schedule upang hindi bumigay ang kanilang mga equipment at hindi magkaroon ng aberya.
Binigyang-diin pa ni Lapid na dapat ay natuto na tayo sa mga karanasan sa panahon ng tag-init at napaghandaan na ng mga kinauukulan lalo na ng DOE AT ERC ang mga nararapat na preventive measures upang magkaroon ng sapat na supply ng kuryente ang consumers.
Kinalampag naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang DOE at ERC at maging ang generation companies na magsagawa ng regular maintenance upang maiwasan ang brown out ngayon panahon ng tag-init.
Pinadadagdagan din ni Gatchalian sa DOE ang impormasyon, edukasyon, at komunikasyon tungkol sa energy efficiency at conservation sa mga konsyumer.