Mga senador, umapela sa pamahalaan ng pagbibigay ng agarang tulong sa pamilya ng mga mangingisdang biktima ng insidente sa Bajo de Masinloc

Umapela ang ilang mga senador sa pamahalaan na ibigay na agad ang tulong sa pamilya ng tatlong mangingisdang nasawi at sa 11 survivors sa nangyaring trahedya sa karagatan sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, mas magandang maibigay na ang hustisya sa mga namatayan kahit hindi na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng flag state oil tanker ng Marshall Islands na nakabangga sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda.

Binigyang diin pa ni Tolentino sa motu proprio investigation ng Senado na hindi naman kailangang hintayin pa ang resolusyon ng ibang hurisdiksyon para maibigay ang kinakailangang tulong ng mga naulila at apektadong pamilya ng insidente.


Pero katwiran naman dito ni Senator Robinhood Padilla, para sa “humanitarian purposes” ay bigyan na sana ng kabayaran o kompensasyon ang mga kaanak ng biktimang nasawi sa insidente ng banggaan.

Hirit ni Padilla, mahihirap lang ang mga mangingisda kaya sana ay ikonsidera ng ating gobyerno ang agad-agad na pagbibigay sa mga ito ng kompensasyon.

Dagdag pa ng senador, hindi na makakahintay ang mga biktima at kanilang pamilya sa tulong kung aabutin pa ng taon ang imbestigasyon at proseso sa korte.

Facebook Comments