Walang nakikitang problema sina Senators-elect Francis ‘Chiz’ Escudero at Jinggoy Estrada gayundin si Senate President Tito Sotto III sa plano ni Senator-elect Robin Padilla na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipag-debate o talakayan sa plenaryo.
Ayon kay Escudero, noong 1998 na siya ay kongresista ay nagsasalita rin siya ng Filipino sa floor ng House of Representatives.
Pinaalala naman ni Estrada, noong impeachment trial ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona ay Filipino rin ang salita niya para maintindihang mabuti ng masa.
Diin nina Escudero at Estrada, pinapayagan sa rules ng Senado ang pagsasalita ng Filipino.
Inihayag naman ni SP Sotto na opsiyon ng sinumang senador na hirap mag-Ingles ang paggamit ng Tagalog o wikang Filipino.
Pero paliwanag ni Sotto, hindi mapipilit ni Padilla ang ibang senador na sagutin siya gamit din ang wikang Filipino.
Binanggit din ni Sotto na ang journal, rules, index at bills ay pawang nakasulat sa English maging ang ating Konstitusyon.