Mga senior citizen at PWD, pinabibigyan ng 20% discount sa RFID toll fees

Isinusulong sa Kamara na mabigyan ng diskwento ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa skyways at expressways.

Ito ay kasunod na rin ng paghahain ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ng dalawang panukalang batas na layong bigyan ng 20% discount sa RFID toll fees ang mga senior citizen at PWDs.

Sa ilalim ng House Bill 9644, kailangang magprisinta o magsumite ng seniors ng anumang government-issued identification card (ID) na merong petsa ng kapanganakan, at House Bill 9643 naman para sa PWDs, ay ipapakita naman ang kanilang PWD ID tuwing bibili ng RFID load.


Ginawa ito ni Atienza matapos punahin ni Atty. Romy Macalintal ang pag-alis ng Kongreso sa RFID privileges ng mga lolo’t lola at PWDs makaraang burahin ang salitang “skyways” nang amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2003 at Magna Carta for Disabled Persons.

Sa panukalang 20% RFID discount, sinabi ng kongresista na maaaring P800 lang ang bayaran ng seniors at PWDs para sa P1,000 na load o kaya naman ay gawing P1,200 ang ibigay na kabuuang load para sa biniling P1,000 na halaga ng RFID load.

Facebook Comments