Maaari ng makapag-avail ng diskwento ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa mga online na transaksyon.
Ito ay matapos lumagda ng joint memorandum circular ang iba’t ibang ahensya na nagbibigay ng 20% discount at dagdag na 8% value added tax (VAT) exemption sa mga senior citizens at PWDs sa kanilang online purchases, phone calls at mobile applications.
Sakop din nito ang teleconsultations, digital bookings ng land transport, sea at air travel services, at online payments sa mga hotels at restaurant reservations.
Gayundin ang mga piling produkto, kabilang na ang kape, asukal, bigas, mantika, detergent at iniresetang gamot.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, kailangan lamang mag-upload o magpakita ng kanilang mga senior citizen o PWD ID online bago sila bumili.
Pinapayagan din ang pagkakaroon ng authorization letters basta mayroon itong kalakip na senior citizen o PWD ID.
Makukumpirma naman aniya ng seller na kasama sa diskwento ang buyer pagkahatid sa kanila ng biniling produkto.
Nagpaalala naman ang DTI sa mga senior citizen at PWDs na bumili lamang sa mga lehitimong online platforms para maiwasan magamit sa ilegal ang kanilang mga personal data.