Mga senior citizen, hinihimok ng isang kongresista na kumpletuhin na ang second dose ng kanilang bakuna

Hinihikayat ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes ang mga matatanda sa bansa na bumalik at kumpletuhin ang second dose ng kanilang COVID-19 vaccine.

Ito ay matapos maiulat ng Inter-Agency Task Force (IATF), libu-libong mga Pilipino kasama na ang mga senior citizen ang hindi na bumalik para magpaturok ng ikalawang dose ng bakuna.

Sa panghihimok ni Ordanes sa mga senior citizen, sinabi nitong hindi dapat malaktawan o makaligtaan ang second dose dahil mahalaga ito para sa proteksyon sa sakit lalo na sa mga vulnerable at matatanda sa bansa.


Sakali naman aniyang pumalya sa schedule ng second dose ng bakuna ay hindi naman dapat mag-alala dahil mismong ang Department of Health (DOH) na ang nagsabing maaari pa ring magpaturok ng second dose.

Naniniwala ang kongresista na ang pagiging fully-vaccinated ay susi sa pagbabalik normal ng buhay ng mga tao.

Umapela rin si Ordanes sa pamahalaan na payagan na ring makalabas ang mga senior citizens na nakakumpleto na ng dose ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments