Hinimok ang mga senior citizen sa bayan ng Santo Tomas na mag-apply para sa National ID upang mas mapadali ang pagkuha ng iba’t ibang benepisyo at serbisyong mula sa gobyerno.
Ipinarating ang panawagan sa isang pulong na dinaluhan ng mga pangulo ng Federation of Senior Citizens Association mula sa iba’t ibang barangay, kasama ang mga punong barangay, kung saan ipinaliwanag na ang National ID ay isa sa mahahalagang pangangailangan, bukod sa Senior Citizen ID, sa pag-avail ng mga programang pampamahalaan.
Binanggit sa pagpupulong na kabilang sa mga serbisyong mas madaling maa-access sa tulong ng National ID ang mga programang pangkalusugan gaya ng PhilHealth YAKAP at iba pang health programs ng lalawigan ng Pangasinan, na layong palawakin ang serbisyong medikal para sa mga nakatatanda.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga senior citizen at ang wastong paggamit ng mga pribilehiyo at benepisyong ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaan.
Patuloy naman ang panawagan sa mga senior citizen na makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay upang makakuha ng impormasyon at gabay sa proseso ng aplikasyon para sa National ID. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










