Mga senior officer ng PNP na nakapagsumite na ng courtesy resignation, nasa mahigit 500 na ayon sa PNP

Umabot na sa 60% o katumbas ng mahigit 500 mga senior official ng Philippine National Police (PNP) ang nakapagsumite na ng kanilang courtesy resignation.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na inaasahan nilang sa loob ng linggong ito ay mas marami pa ang matatanggap nilang kopya ng resignation letters dahil ang iba ay manggagaling pa sa regional at provincial offices ng PNP.

Ayon kay Fajardo, sa sandaling makuha ang lahat o inaasahang 956 na resignation letters ng kanilang senior officials sa buong bansa.


Ito ay isusumite sa bubuuing 5-man committee na silang magsasagawa ng evaluation at assessment sa performance ng mga opisyal.

Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na hinihintay nilang mabuo ang 5-man committee.

Sa sandali aniyang mabuo ang komite, magsisimula na ang evaluation at assessment sa mga resignation letter.

Pakiusap lamang aniya ng liderato ng pambansang pulisya, maging mabilis, patas at walang personal biases ang gagawing pag-evaluate ng komite sa kanilang mga senior official para maging katanggap-tanggap ang desisyon hindi lamang sa mga senior officer na apektado ng hakbang na ito kundi maging ng buong sambayanang Pilipino.

Facebook Comments