Pinarangalan ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa dahil sa mga programa at serbisyo nito para sa mga residente nitong mga Muslim.
Tinanggap kahapon ni Mayor Jaime Fresnedi ang nasabing pagkilala matapos isagawa ang pag-turnover ng Plaque of Appreciation ng NCMF para sa lungosd.
Ginawa ang nasabing programa sa Muntinlupa City Hall kasama ni NCMF-NCR Director Mito-on Ibra.
Dumalo rin sa awarding ceremony si Johnny Guiling ng Muntinlupa City Muslim Affairs Office.
Tiniyak naman ng alkalde na patuloy na magbibigay ang pamahalaang lungsod ng mga programa para sa ikabubuti at ikakaunlad ng mga Muslim at non-Muslim communities ng lungsod, kasabay ng pagpapatupad ng peace and order.
Ang Muntinlupa ay kauna-unahang Local Government Unit (LGU) ng National Capital Region (NCR) na nakapagtayo ng Muslim Affairs Office bilang bahagi sa pakikiisa nito sa iba’t ibang grupo para sa ikabubuti ng kanilang pamumuhay sa lungsod.