Mga serbisyo ng PhilHealth, hindi dapat maantala kahit zero budget ngayong 2025 —PBBM

Ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa Department of Health (DOH) na siguruhing magtutuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon sa pangulo, hindi dapat maapektuhan ang healthcare services sa kabila ng zero budget ngayong 2025.

Sa naging pulong ngayong Martes, sinabihan din ni PBBM si Health Secretary Ted Herbosa na mag-focus ang kagawaran sa prevention o pag-iwas sa mga sakit lalo na’t mas mainam na aniya na maagapan ang sakit kesa umabot na sa gamutan.


Samantala, iginiit din ng Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng digitalizing ng DOH na layong mapabilis ang paghahatid ng serbisyo.

Mula sa P74.431 billion na subsidy sana sa ilalim ng 2025 budget, tinapyasan ito ng Senado sa P64.419 billion.

Pero nagdesisyon ang bicameral conference committee na tuluyan nang alisin ang alokasyong pondo para ngayong taon dahil sa mahigit kalahating trilyong pisong reserve funds ng ahensiya.

Facebook Comments