Friday, March 27, 2026

MGA SERBISYONG PANGKALUSUGAN, UMARANGKADA SA MGA BARANGAY SA URDANETA CITY

Nagkaisa ang komunidad sa isinagawang aktibidad pangkalusugan sa barangay covered court sa Pinmaludpod, Urdaneta City, na layong palakasin ang kaalaman at kamalayan ng mga residente hinggil sa iba’t ibang usaping pangkalusugan.

Tinalakay sa naturang programa ang mahahalagang paksa tulad ng pangangalaga sa mental health, wastong nutrisyon, pag-iwas sa rabies at tuberculosis, pati na rin ang pagharap sa lifestyle diseases. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng kalinisan ng kapaligiran at kalusugan ng kababaihan bilang bahagi ng pangkalahatang kapakanan ng komunidad.

Sa pamamagitan ng mga health lecture at information drive, nabigyan ng sapat na kaalaman ang mga dumalo upang mas mapangalagaan ang kanilang sarili at pamilya laban sa iba’t ibang sakit.

Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng mga kawani ng City Health Office at ng lokal na pamahalaan ng barangay, katuwang ang iba’t ibang sektor na nagkakaisa sa adhikaing mapabuti ang kalusugan ng bawat mamamayan.

Ayon sa mga tagapagpatupad, mahalagang maipagpatuloy ang ganitong mga programa upang mas mapalawak ang abot ng serbisyong pangkalusugan at mapanatili ang isang ligtas, malinis, at malusog na komunidad.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang barangay sa patuloy na suporta ng mga health workers at sa aktibong pakikilahok ng mga residente sa nasabing gawain. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments