
Nakaalerto na ang Maritime Industry Authority (MARINA) kasabay ng banta ng Bagyong Tino.
Ito’y upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero, tripulante, at barko sa mga apektadong rehiyon at lugar sa bansa.
Ayon sa MARINA, ipinatutupad na nila ang mahigpit na safety protocols alinsunod sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr).
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan sa mga pantalan at domestic routes, partikular sa Mindoro, Biliran, Leyte, at Batangas.
Inabisuhan na rin ng ahensya ang mga operator na sumunod sa mga abiso ng PCG at bantayan ang mga weather bulletin na inilalabas ng Department of Science and Technology (DOST) – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nagpaalala rin ito sa mga pasahero hinggil sa mga patakaran sa oras ng kanselasyon o pagkaantala ng biyahe, kabilang ang refund, revalidation ng ticket, at libreng tulugan o pagkain habang naghihintay ng bagong iskedyul ng kanilang biyahe.
Patuloy na nananalasa ang Bagyong Tino sa Negros Island Region habang papalapit sa Panay Island.









