Mga sibilyang namatay sa War on Drugs, ‘collateral damage’ – Palasyo

Iginiit ng Malacañang na ang mga sibilyang namatay sa giyera kontra droga ay pawang “collateral damage” lamang.

Ito ang sinabi ng Palasyo sa harap ng nakatakdang pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa mga sinasabing crimes against humanity sa anti-illegal drug campaign ng Duterte Administration.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung nagkaroon ng crimes against humanity ay dapat nagkaroon na ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.


Aniya, nadamay lamang sila mula sa mga lehitimong police operation na layong sugpuin ang banta ng droga sa bansa.

Binigyang diin ni Roque na ang hiling ni ICC prosecutor Fatou Bensouda na imbestigahan ang war on drugs ay paglabag sa principle of complementarity lalo na at ang Pilipinas ay mayroong gumaganang legal system.

Patunay na rito ang pagpapakulong sa mga pulis na dawit sa mga pagpatay, kabilang ang kaso ni Kian delos Santos sa Caloocan City noong August 2017.

Kaya hinimok ng Palasyo ang mga mayroong ebidensya ng drug war killings na magsumite ng affidavits sa piskalya para agad makapagimbestiga.

Pagtitiyak din ni Roque na hindi pagtatakpan ni Pangulong Duterte ang mga unipormadong tauhan ng gobyernong nakagawa ng krimen.

Facebook Comments