Ibinunyag sa pagdinig ng Senado ang sobrang pambabarat na ginagawa ng mga trader sa mga magsasaka ng sibuyas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, inilahad ni Romel Calingasan, Municipal Agriculturist ng San Jose Occidental Mindoro, na binili lamang ng mga trader sa mga magsasaka ang sibuyas sa halagang P8 hanggang P15 kada kilo na siyang ibinibenta sa merkado kamakailan sa halagang P500 hanggang P700 kada kilo.
Ang mga mahal na sibuyas na ibinibenta sa merkado mula Setyembre hanggang Disyembre ay binili ng mga trader sa mga magsasaka noong Marso at Abril na panahon ng anihan na itinago lamang sa mga cold storage facilities at saka lamang inilabas kung kailan walang ani para maibenta sa mataas na presyo.
Inilapit din ni Calingasan sa mga senador ang pandaraya na ginagawa ng mga trader dahil noong harvest season na nag-uumapaw ang suplay ng sibuyas sa bansa ay wala na silang mapag-imbakan ng mga aning sibuyas dahil ang storage facilities ay nakareserba at gamit na ng mga trader.
Ito aniya ang dahilan kaya marami sa kanilang mga sibuyas ang nabulok na lamang at napilitan silang itapon sa mga gilid ng daan at sa mga ilog.
Lubos aniya ang pagkadismaya ng mga magsasaka dahil sila ay gumastos ng P200,000 hanggang P250,000 kada ektarya para sa kanilang pananim at wala pa sa 5 percent ng kanilang production volume ang nailagay nila sa storage facilities.
Nang tanungin naman ni Senator Cynthia Villar, Chairman ng komite, si Calingasan kung sino ang may-ari ng mga cold storage, ibinahagi nito na pribado ang karaniwang may-ari ng cold storage facilities kaya’t kulang talaga ang mga pasilidad at kahati pa nila rito ang mga trader na mas nakikinabang sa halip na ang mga magsasaka.