Mga simbahan sa Pasig at Antipolo, isasara na rin bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19

Naglabas na rin ng direktiba ang mga Diocese ng Pasig at Antipolo bilang pagtalima na rin sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Ito’y upang maiiwas ang mga mananampalataya sa banta ng COVID-19 sa harap na rin ng walang prenong pagsipa ng mga naitatalang bagong kaso ng virus.

Batay sa inilabas na anunsyo nila Pasig Bishop Mylo Vegara at Antipolo Bishop Francisco de Leon, ipinagbabawal ang face-to-face public mass simula ngayong araw, March 22 na tatagal hanggang April 4.


Dahil dito, isasara ang mga simbahan sa loob ng 2 linggo at sasakupin nito ang mga Mahal na Araw o Semana Santa mula March 28, Linggo ng Palaspas hanggang April 4 o ang Linggo ng Pagkabuhay.

Sa kabila nito, inabisuhan ng mga obispo ang kanilang mga nasasakupan na isasagawa pa rin ang mga aktibidad para sa Semana Santa via online streaming sa kani-kanilang social media platforms.

Hiling lang nila Bishop Vergara at Bishop de Leon sa mga mananampalataya na gawin pa rin ang naaangkop na hakbang kung makikiisa sa mga pagdiriwang kahit virtual lamang bilang bahagi ng sakripisyo na siyang mensahe ng panahong ito.

Facebook Comments