Nanindigan ang Malacañang na handa ang pamahalaan na ipasara ang mga simbahan na lalabag sa pagbabawal sa religious gatherings sa loob ng dalawang linggong general community quarantine (GCQ) bubble sa NCR+.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos maglabas ng pastoral instruction si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na magkakaroon pa rin ng religious worship alinsunod sa health protocols.
Iginiit ni Pabillo na sinira ng pamahalaan ang paghihiwalay ng simbahan at ng estado nang ipagbawal nito ang religious gatherings na walang konsultasyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroong police power ang estado para ipatupad ang pagpapasara sa mga simbahang tatangging protektahan ang mga tao ngayong COVID-19 pandemic.
Pakiusap ni Roque kay Bishop Pabillo na huwag hikayatin ang publiko na suwayin ang quarantine rules.
Ang pagbabawal sa mass gatherings ay layong protektahan ang publiko mula sa pagtaas ng COVID-19 cases.