Mga single parent na pulis, hindi na ide-deploy sa frontline duties ngayong nasa national health emergency ang bansa

Excuse muna sa frontline duties partikular ang pagsasagawa ng public safety at law enforcement operations ang mga pulis na single parent.

Direktiba ito ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa sa harap umiiral na national health emergency sa bansa dulot ng COVID-19.

Bukod sa mga single parent, utos rin ni Gamboa sa mga mag asawang pulis na isa lang ang dapat na mai-deploy sa frontline duties habang ang isa ay itatalaga sa administrative or support duties.


Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, ang inilabas na pulisiyang ito ng PNP ay para maprotektahan ang kapakanan ng bawat miyembro ng pamilya ng mga PNP personnel.

Partikular para maiwasan na mahawaan ng nakakamatay na virus ang pamilya ng mga pulis.

Pero ang mga PNP personnel na doktor, nars at mga miyembro ng CBRNE (Chemical, Biological, Radiological, Nuclear, and Explosive) team ay prayoridad namang i-deploy sa mga ganitong panahon.

Sa ngayon inutos na ni PNP Chief kay Director for Personnel and Records Management, Police Major General Reynaldo Biay na i-account ang lahat ng magasawang pulis para ma excuse ang isa sa kanila sa frontline duties.

Facebook Comments