Mga sinitang nag-iinuman, idinahilan sa pulis na pangontra sa COVID-19 ang alak

Inabot ng sermon mula sa pulisya ang ilang kalalakihan sa Sta. Rosa City, Laguna matapos mahuling umiinom sa kalsada nitong Huwebes ng madaling araw.

“Alam n’yo naman na may curfew di ba? Nag-iingat ang lahat tapos kayo nag-iinom?” pahayag ng operatiba sa isang sinitang tomador.

Pero imbis na mag-sorry at sumunod sa curfew, ikinatwiran pa ng mga pasaway na residente na mabisang panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang pag-inom ng alak.


Hindi ito kinagat ng awtoridad at sinabing puwede silang dakpin dahil sa Article 151 o resistance and disobedience to persons in authority.

Inaresto naman ang isang lalaki sa Brgy. Sto Domingo, sa parehong bayan, bunsod ng sobrang kalasingan at pagmamatigas sa kinauukulan.

Minura at kinuhanan pa raw nito ng video ang mga nanitang pulis para maibahagi sa Facebook.

Nang dalhin sa presinto, biglang nahimasmasan ang lalaki at umaming nagsisisi sa ginawang pambabastos.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, pinapahintulutang lumabas ang isang miyembro ng pamilya upang bumili ng pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain, gamot, tubig.

Subalit paalala ng kinauukulan, dapat gawin ito bago magsimula ang curfew na umiiral tuwing alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw.

Facebook Comments