
Nag-deploy na ng technical team ang Mines and Geosciences Bureau 7 upang tingnan ang lumutang na mga sinkholes sa iba’t ibang lugar sa Northern Cebu matapos ang malakas na lindol.
Dalawang team ng mga geologist mula sa MGB-7 at MGB Central Office ang nasa Northern Cebu sa ngayon upang magsagawa ng inspection sa mga lugar na apektado ng mga landslide at paglutang ng sinkholes.
Kaagad din itong nag-isyu ng subsidence threat advisory sa mga mayor ng mga bayan ng San Remegio , Tabogon, Medellin, Daanbantayan, at Bogo city, habang isinasagawa pa ng ahensiya ang sinkhole assessment sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa MGB-7, ang mga barangay na may naitalang sinkhole occurences ay itinuturing nang may mataas na subsidence hazard rating.
Pinayuhan din nito ang mga lokal at barangay official na pagbawalan ang publiko na lumapit sa mga sinkhole sa pamamagitan ng paglalagay ng kordon at warning signs upang makaiwas sa disgrasya.
Kabilang sa mga lugar na may lumutang na sinkholes ay ang Daanbantayan, San Remegio, at Medellin.









