Tiniyak ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ligtas ang seguridad ng kanilang on-duty personnel sa kanilang skeletal workforce makaraang magbibigay sila ng subsidized na pagkain, transportasyon at accommodation para sa kanilang skeletal workforce.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, na tinitiyak nila ang kaligtasan at seguridad ng on-duty personnel na kailangan sa patuloy na operasyon ng ahensya sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Paliwanag ni Bautista ang kanilang mga tauhan sa central office ay bibigyan ng libreng almusal at pananghalian sa buong panahon ng lockdown kabilang ang weekends.
Wala umanong dapat na ikabahala ang mga social workers, technical at administrative staff, security personnel, drivers, at janitorial at utility services staff dahil kasama sila na mabibiyayaan.
Giit ng opisyal walang dapat ipangamba ang kanilang mga empleyado kung papaano sila makapapasok sa trabaho dahil magtatalaga rin ang DSWD ng mga sasakyan na maghahatid at susundo sa kanilang mga empleyado mula sa kanilang mga tahanan papasok sa tanggapan.
Dagdag pa ni Bautista, walang dapat na ipag-alala ang mga mag-oovernight, dahil 50 tauhan ang maaaring tumuloy sa DSWD Malasakit Auditorium na mayroong mga kama para sa bawat empleyado kung saan pinaiiral din ang Social Distancing at Health Safety Measures.
Ibinida naman ng DSWD na umabot na sa 50,000 family food packs ang paunang tulong na kanilang naibigay sa Local Government Units (LGU) sa Metro Manila, Regions III, V, VIII, XI, Cordillera Autonomous Region, at CARAGA kung saan ay tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid nila ng supplies sa LGUs.