Mga skeleton at nakatiwangwang na infra project, pinapopondohan muli ng milyon-milyong piso sa 2021 budget

Umaabot sa 5,913 na infrastructure project ng gobyerno na skeleton at nakatiwangwang kahit ginastusan na ng milyon-milyong piso ang pinapondohan ng ₱135 billion sa ilalim ng panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.

Sa plenary deliberations ng Senado ukol sa 2021 budget ay nagpakita pa si Senator Panfilo “Ping” Lacson ng mga larawan ng ilan sa nabanggit na mga proyekto na pinapapondohan aniya muli ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Makikita sa mga larawang ipinrisinta ni Lacson ang mga multi-purpose building sa iba’t ibang lalawigan na ilang taon na umanong pinopondohan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos at ang iba ay halos skeleton pa lang ang naitatayo at mayroong hindi pa rin nasisimulan.


May ipinakita rin si Lacson na larawan ng road projects o mga kalsada, tulay at tunnel na pinaglaanan na noon ng pondo pero hindi pa rin tapos at hindi pa mapapakinabangan at ang iba ay hindi pa nagagawa.

Dahil dito, iginiit ni Lacson na tapyasin ang ₱68.3 billion na hinihingi ng DPWH para sa multi-purpose buildings at ilipat sa iba’t ibang programang pantugon sa pandemya, kalamidad at sa national broadband project ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sinabi ni Lacson, ang nabanggit na salapi ay mas mainam na ipagpatayo ng mga evacuation center o kaya ay quarantine facilities.

Facebook Comments