Mga smuggled agricultural products, sinira ng BOC

Sinira ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic ang smuggled na agricultural products na nakalagay sa limang container.

Ayon sa BOC, ito ay bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na protektahan ang kalusugan ng publiko laban sa mga agricultural products na iligal na pinapasok sa bansa.

Kabilang sa mga nakumpiskang kargamento na sinira ay ang frozen meat, isda, prutas, gulay, at iba pang madaling masirang pagkain na walang phytosanitary certificate.

Bukod dito, ang mga kargamento ay lumabag rin sa mga kautusan ng Department of Agriculture (DA) at sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Batay sa Customs Memorandum Order No. 24-2021, ang pagsira sa mga naturang produkto ay para matiyak na ang mga smuggled agricultural products na hindi ligtas kainin ay maayos na naitatapon at hindi na mapapakinabangan.

Nagbigay naman ng mahigpit na babala si Commissioner Ariel Nepomuceno laban sa mga smuggler at iginiit na hindi papayagan ng gobyerno na isakripisyo ang kaligtasan ng publiko dahil sa iligal na gawain na nagdudulot ng seryosong banta sa kalusugan.

Facebook Comments