Napigilan ng mga tauhan ng Philippine Navy partikukar ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) na maipasok at maikalat sa Zamboanga City ang halos 300 na kahon ng mga hindi dokumentadong sigarilyo.
Ito ay matapos na maharang nila sa Basilan Strait ang dalawang Jungkong-type motor bancas sakay ang mga kontrabando kamakalawa.
Ayon kay Commodore Toribio Adaci Jr., Commander ng Naval Forces Western Mindanao, ang mga smuggled na sigarilyo ay may estimated market value na P9-M.
Galing ang dalawang watercrafts sa Brgy. Lagasan, Parang sa Sulu at bumiyahe ng gabi para umiwas sa mga law enforcers patungo sa Zamboanga City ngunit naharang ng mga tauhan ng Philippine Navy.
Sa ngayon, nanatili sa kustodiya ng Philippine Navy ang crew ng dalawang bangka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nai-turn over naman sa Bureau of Customs Region 9 ang mga nakumpiskang sigarilyo.