Kwalipikado na rin bilang benepisyaryo ng Expanded Solo Parents Welfare Act ang mga single parent na may anak na edad 22-anyos pababa.
Ito ay makaraang itaas hanggang 22-anyos ang pinapayagang dependent ng isang solo parent sa ilalim ng binuong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pero ayon kay National Council for Solo Parents (NCSP) Secretary General Redd de Guzman, dapat na nag-aaral ang anak nila na 18 to 22 years old.
Samantala, ilalim ng IRR, isa sa mga anak ng solo parent ang magiging full scholar ng gobyerno mula pre-school hanggang college.
“Ito ‘yong isa sa mga pinakamaganda na provision sa bagong batas,” ani De Guzman.
“Ito ngayon ang kailangang gawan ng guidelines o procedures ng DepEd kung papano sila makikipag-coordinate sa ating mga private school. Libre naman kasi ang pre-school at elementary sa ating mga public school pero sa private, ‘yan ‘yong may bayad. Kaya ang mangyayari siguro is another voucher program para sa magta-transfer sa private school,” paliwanag niya.
“Ang CHED naman sa ngayon, mayroon silang existing programs… Kahit wala pa itong expanded benefits na ‘to, mayroon nang binibigay na additional consideration sa ating mga solo parents, pero with this new law, ang sinasabi, ipa-prioritize,” dagdag pa ni De Guzman sa interview ng RMN Manila.
Nilinaw naman ni De Guzman na hindi na sakop ng P1,000 buwanang subsidiya sa ilalim ng bagong batas ang mga miyembro ng Pantawid Pilipinong Pamilya Program o 4Ps maliban na lamang sa mga solo parent na senior citizen o PWDs.
“Walang kinalaman ang benefits mo as a senior o PWD dito sa benefits ng solo parents, makukuha mo siya parehas,” aniya.
“Basta sa ngayon po, tatlo lang ang disqualification ng solo parents. Unang-una kung wala ka nang anak na dependent na 22 years old and below, pangalawa po kung ikaw ay nag-asawa na ulit o may ka-live-in ka na at pangatlo kung may co-parenting na nangyayari,” saad pa ni De Guzman.
Ikokonsidera sa pagpili ng benepisyaryo ay ang poverty threshold ng barangay kung saan nakatira ang mga solo parent at ang assessment ng mga rehistradong social worker.
Ang Department of Health (DOH) naman ang bubuo ng guidelines para sa medical at hospitalization benefits ng mga solo parent.
Nakasalang na sa kongreso ang P3.1 billion na pondong hinihingi ng DSWD para sa pagpapatupad ng Expanded Solo Parents Welfare Act.
Inaasahan ang full implementation ng batas sa katapusan ng Oktubre.