Solusyon sa tubig at pagharap sa El Niño tinalakay sa cabinet meeting sa Malacañang

Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na inilatag kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga kinauukulang tanggapan ng Pamahalaan ang mga panukala o mga paraan sa pagharap sa El Nino at kakulangan ng supply ng tubig sa bansa.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, isa ito sa tinalakay sa ika-36 na cabinet meeting na pinangunahan ni Pangulong Duterte kagabi sa Malacañang.

Sinabi ni Panelo, ipinrisinta kay Pangulong Duterte ang roadmap para sa pagkakaroon ng immediate, medium at long-term interventions para hindi gaanong maramdaman ang epekto ng El Niño at masolusyunan ang problema sa supply ng tubig.


Kabilang aniya sa tinalakay ay ang pagpapalakas ng kampanya para sa pagtitipid ng tubig at kuryente, pagtatatag ng Department of Water at Department of Disaster Resilience.

Kabilang din aniya sa mga solusyong inilatag ay ang paglilinis ng mga waterways, pagpapalit ng mga water tunnels at aqueducts at ang paglalagay ng mga tangke ng tubig sa mga ospital ng Department of Health pati na ang pagtatayo ng mga water treatment plants.

Tinalakay din aniya sa Cabinet meeting ang pagbuo ng isang Executive Order na magpapalakas sa National Water Resources Board at ang pagbuo ng National Water Management Framework Plan.

Facebook Comments