Mga special class BPOs, hindi maaapektuhan ng POGO ban

PHOTO: Office of Senator Mark Villar

Tiniyak ni Senator Mark Villar na hindi kasama sa maaapektuhan ng total ban sa POGO ang mga special class BPOs (SCBPOs) at walang Pinoy na manggagawa rito ang mawawalan ng trabaho.

Kung mababatid, ang mga special class BPOs ay mga service providers sa mga gaming companies sa labas ng Pilipinas at hindi naman sila sangkot sa bets o taya ng mga nagsusugal.

Pinangunahan ni Villar, Chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, ang inspeksyon sa Special Class BPOs sa Aseana kung saan kasama niya rito si Senator Sherwin Gatchalian at PAGCOR Chairman Al Tengco.


Ayon kay Sen. Mark, isinagawa ang inspeksyon upang makita ang operations ng mga SCBPO at maintindihan din kung ano ang kaibahan ng mga service providers na ito sa mga POGO na ipapasara bago matapos ang taon.

Aniya pa, nais din niyang matiyak na lehitimo ang mga SCBPO at hangga’t maaari ay ayaw nilang mawalan ng trabaho ang mga kababayang dito naghahanap-buhay.

Binigyang-diin naman ni Villar na buo ang kaniyang suporta sa pagpapasara ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa at makikipagtulungan din siya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para masiguro na magiging maayos at epektibo ang implementasyon sa direktiba ng pangulo na ipasara ang lahat ng mga POGO.

Facebook Comments