Mga sponsor ng maanumalya at guni-guning construction projects, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapaimbestigahan ni House Deputy Speaker at Antipolo 1st district Rep. Ronaldo “Ronnie” Puno ang mga “funders” o sponsors ng mga maanumalya at guni-guning construction projects na nakapaloob sa 2025 national budget.

Kasama ding pinapa-silip ni Puno ang papel ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagpapalabas at pagharang sa pondo.

Sa inihaing House Resolution 201 ay tinukoy ni Puno ang nabunyag sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon committee na mga iregularidad sa public works projects na pinondohan sa mga nakalipas na budget kasama ang mga ‘ghost’ o hindi totoong mga proyekto gayundin ang mga sabwatan sa pagitan ng mga kontratista.

Batayan din ng hirit na imbestigasyon ni Puno ang isiniwalat ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sistematiko, institusyonal at kawalan ng parusa sa paglalaan at paglalabas ng pondo para sa mga flood control projects.

Tinukoy ni Puno ang binanggit sa privilege speech ni Lacson na coded o palantandaan ng magkakaparehong alokasyon na P77 million, P48 million at P96 million para sa pauulit-ulit at pinalaking halaga ng mga proyekto sa Pampanga at La Union, gayundin ang mga ghost projects sa Mindoro at Bulacan.

Malinaw para kay Puno na nagpapakita ito ng mga anumalya kung saan may nakalatag ng makinarya para higupin ang pera ng taumbayan habang nilalagay sa peligro ang mga komunidad.

Diin pa ni Puno, ang DBM na mismo ang nagkumpirma sa mga budget hearings na may mga pondo na mula sa congressional insertions sa 2025 General Appropriations Act ang hindi muna pinalabas hanggang hindi nakakasunod sa mga kaukulang kondisyon.

Facebook Comments