Abot na sa 274 na vendors sa palengke ang nasampolan ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa paglabag sa Suggested Retail Price (SRP) ng mga produktong agrikultura.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na mula sa 274 na kinakitaan ng paglabag, 16 dito ay pormal na sinampahan ng kaso.
Nasa 31 naman ang pinadalhan ng show cause order upang pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat maparusahan.
Habang 1,070 naman ang pinadalhan ng letter of inquiry para tanungin kung bakit walang maayos na price label sa kanilang paninda.
Dahil sa pandemya, tiniyak ng DA na mapoprotektahan ang mga consumers mula sa lumalabag sa SRP sa mga piling agricultural at fishery products.
Sa ilalim ng Price Act, ang mapapatunayang lumabag ay mahaharap sa parusang 5 hanggang 15 taong pagkakabilanggo at multang mula ₱5,000 hanggang ₱2 milyon, o ng parehong penalties.