Iminungkahi ni Makati City Rep. Luis Campos na pangunahan ng mga state universities and colleges o SUCs ang pagtatayo muli ng mga bagong nursing school.
Kaugnay na rin ito ng hakbang ng Commission on Higher Education o CHED na alisin na ang ban o 10-year moratorium sa kursong Bachelor of Science in Nursing o BSN courses.
Giit ni Campos na pagkakataon na ito ng mga kolehiyo at unibersidad na buhayin muli ang kursong BSN lalo pa’t mas kailangan ngayon ang mga dagdag na nurses sa bansa.
Siniguro ng kongresista na susuportahan ng Kongreso ang dagdag na pondo para sa mga SUCs kung hihilingin ito para sa pagtatayo ng nursing schools at para makakuha ng mga guro at dagdag na non-academic personnel.
Noong nakaraang taon, umaabot lamang sa 11,094 newly registered nurses ang nabigyan ng lisensya ng Professional Regulation Commission o PRC.
Malayo ito sa datos ng PRC noong 2010 kung saan 67,390 registered nurses ang nabigyan ng lisensya bago ipinatupad ng CHED ang pagbabawal ng mga bagong nursing program.