Umapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga stranded individual na iwasan ang magtungo sa mga paliparan kung wala silang confirmed flights pabalik sa kanilang home provinces.
Ayon kay Año, ang mga ganitong insidente ay nakakadagdag lang sa pinapasan ng pamahalaan sa pagtitiyak ng maayos na biyahe sa mga taong na-stranded sa Metro Manila.
Pinayuhan ng kalihim ang mga ito na manatili sa kanilang tinutuluyan.
Sinabi niya na ilan sa mga ticket na binili ng stranded individuals ay peke.
Aniya, kahit hindi sila pinayagang makapasok ng paliparan, mas pinili ng mga na-stranded na manatili at nagbabaka-sakaling makakuha ng flight pauwi sa kanilang probinsya.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na kailangang makontrol ang pagdagsa ng mga tao sa paliparan.
Ginagamit na aniya ang government resources para ibiyahe ang stranded individuals.
Nabatid na dumarami ang Locally Stranded Individuals (LSIs) sa ilalim ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) elevated expressway habang patuloy ang pagdagsa ng tulong mula sa mga pribadong grupo o indibidwal.