Mga stranded na manggagawa at estudyante sa Luzon, pinaaalalayan sa IATF na mapauwi sa mga probinsya sa Visayas at Mindanao

Nanawagan si Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na ihatid ang mga manggagawa at mga estudyante na naipit sa Luzon lockdown sa kanilang mga probinsya sa Visayas at Mindanao.

Hirit ni Rodriguez, gawan ng evacuation plan ng IATF at ng OWWA ang pagpapauwi sa mga mag-aaral at Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kani-kanilang mga probinsya.

Hiniling ng kongresista sa gobyerno na mag-organize ng sweeper flights o sea transport para sa umuwing OFWs na stranded ngayon sa Metro Manila at Clark, Pampanga na karamihan ay mula pa sa Mindanao at sa Visayas.


Marami aniya sa mga OFWs ay dumating noon pang March 13 hanggang 15 kaya naman mahigit 40 araw na silang stranded.

Nasuri naman na anya ang mga ito at negatibo sa COVID-19.

Binanggit rin ni Rodriguez ang mga estudyante mula sa iba’t ibang parte ng Mindanao na na-stuck sa UP Los Baños sa Laguna.

Bukod kasi anya sa paubos na ang kanilang personal supplies ay tiyak na sabik na rin ang mga stranded na manggagawa at estudyante na makasama ang kanilang mga pamilya.

Facebook Comments