Mga stranded na pasahero sa Andrews Avenue sa Pasay City, tinutulungan na ng Lokal na pamahalaan

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Pasay City na asikasuhin ang pagpapauwi sa ilang mga stranded na pasahero sa pinanggalingan nilang barangay.

Ito’y habang wala pang tiyak na biyahe pauwi ng kani-kanilang mga lalawigan.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, patuloy ang paghahatid nila ng tulong sa mga stranded na pasahero lalo na’t hindi na muna sila nagtatanggap ng Locally Stranded Individuals (LSI) sa Villamor Airbase Elementary School at sa headquarters ng Philippine Army dahil puno pa ito sa ngayon.


Sinabi pa ng Alkalde na karamihan sa mga nananatili sa bangketa ng Andrews Avenue ay July pa ang ticket pero nagbabakasali na silang makabiyahe.

Dahil dito, ang mga stranded na mga pasahero sa Andrews Avenue ay pansamantalang dinala sa Fort Bonifacio sa Taguig City para masiguro ang kanilang kaligtasan at kalusugan.

Napag-alaman pa na ang ilan sa mga stranded na pasahero at yung mga kababayan nating hindi na natuloy sa pagtungo sa ibayong dagat upang makapagtrabaho at iniasa na lamang sa pamahalaan ng kanilang manning agencies ang pagpapabalik sa kanila sa probinsiya.

Marami rin sa mga LSI’s ang hindi nabigyan ng tamang impormasyon sa tamang proseso ng pagpapauwi sa probinsya kaya’t basta na lamang nagtungo sa mga paliparan kahit pa wala silang tiyak na biyahe pauwi.

Facebook Comments