Manila, Philippines – Aminado ang pamunuan Manila Social Welfare and Development na nagsibalikan na ang mga street dweller sa Manila Baywalk sa Roxas Blvd.
Ito’y matapos luminis ang kahabaan ng Roxas Blvd. dahil sa ginanap na 31st ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay MSWD Chief Nanette Tanyag, mahirap talaga na kontrolin ang mga street dweller lalo na yung galing ng Timog Luzon dahil baka makahanap sila ng trabaho sa Maynila.
Kasunod nito, kanyang itinanggi na nagtago ang MSWD ng mga palaboy sa kalsada noong kasagsagan ng ASEAN.
Ikinatwiran nya na natuto na rin kasi ang mga palaboy na tuwing may malakihang event ay todo ang paglilinis sa mga kalsada kung kaya’t sila na ang kusang lumilisan.
Bukod dito, wala naman din umanong lugar na pagtataguan ang MSWD.
Giit ni Tanyag na patuloy ang kanilang pag-assist sa mga street dwellers, para sa mga street dwellers na malapit lamang ang probinsya ay inihahatid nila ito habang binibili naman nila ng ticket sa barko ang mga nasa malalayong lugar gaya ng Cebu.