Inanunsyo ni Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno na hindi mabibigyan ng special permits ang mga nagtitinda sa Divisoria sa layon na mapanatili ang kalinisan ng kalsada para sa mga motorista at publiko sa darating na kapaskuhan.
Ipinaliwanag niya na intensyon nila na mapaayos at mapaluwag ang mga daan dahil marami umanong mga jeepney drivers ang napipilitang mag-cutting trips dahil sa mga kalsadang naokupa na ng mga nagtitinda.
“Kaya nagka-cutting trip, kasi sarado ang kalye. Eh sa cutting trip, ang tinatamaan din diyan ang mga mahihirap, mga empleyado na gusto nang makauwi sa hapon (na) otso oras sa trabaho, mga senior citizen,” ayon pa rito.
Iginiit pa niya na kikita naman daw ng malaki ang mga naturang vendors kahit walang permit dahil nagsisimula naman na ang Ber-months.
“Tingin ko naman ho, mas lalaki ang benta kasi nakikita niyo ‘yung Roman at Ilaya, Tabora, Carmen Planas, ‘yung mga lugar na ‘yan may mga tinda ang mga kababayan natin diyan. ‘Yung mga nawala dito, du’n naman natin nilagay, in-accommodate du’n sa likod mismo ng Tutuban,” dagdag pa ni Isko.
Aniya ay pipilitin ng lokal na gobyerno na mapanatili ang mga kalye ng Recto, Soler, at Juan Luna para sa taumbayan.