
Nasakote ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang suspek at nakumpiska ang tinatayang ₱357,000 halaga ng mga substandard na solar lights at panels sa Obando, Bulacan.
Nitong Agosto 28, nagsagawa ng operasyon ang CIDG-Bulacan Field Unit sa KK-SKY Consumer Goods Trading sa Barangay Panghulo, Obando matapos makumpirmang madaming paglabag ang nasabing tindahan.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas Mary at Angel, kapwa empleyado ng naturang establisyemento kung saan nahuli ang dalawa habang nagbebenta ng solar products na substandard at hindi ligtas gamitin.
Kinumpirma rin ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang mga nakumpiskang gamit ay hindi pumasa sa pamantayan at delikadong gamitin ng publiko.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Injurious, Dangerous and Unsafe Products ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.









