Mga substation sa North Luzon, ina-upgrade ng NGCP

Pinasigla na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga bagong power transformer nito sa ilang substation sa North Luzon.

Ayon sa NGCP, ito’y bahagi ng second stage ng North Luzon Substation Upgrading Project nito na layong mapabuti pa ang mga serbisyo ng paghahatid ng kuryente.

Una rito noong Pebrero, pinasigla ng NGCP ang 100 MegaVolt-Ampere (MVA) Transformer 1 nito sa Tuguegarao Substation sa Cagayan, at isa pang 100MVA Transformer 1 sa San Esteban Substation sa Ilocos Sur.


Matatandaan na noong Marso 15, 2023, pinalakas din ang isang 100MV Transformer sa Laoag Substation, Ilocos Norte.

Ang pag-upgrade ng mga substation ay ginagawa upang matugunan ang paglaki ng load at magbigay ng N-1 contingency sa mga substation sa North Luzon Region ng NGCP.

Kung wala ang proyekto, maaaring maranasan ng mga customer ang power interruptions kung sakaling masira ang mga kasalukuyang transformer at power circuit breaker.

Maliban sa mga lalawigang ito, nakatakda ring i-upgrade ng NGCP ang mga substation nito sa iba pang lugar tulad ng La Union, Nueva Vizcaya, Isabela, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at Nueva Ecija.

Ang kabuuang Substation upgrading project ay naihain na sa Energy Regulatory Commission (ERC) na may kabuuang halaga ng proyekto na ₱9.93 bilyon.

Facebook Comments