Itinutulak ni Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo sa Kamara na magkaroon ng ospital sa lahat ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.
Sa inihain nitong House Bill 8633 o Healthcare Development Act of 2021, ipinaliwanag ng kongresista na ang pagkakaroon ng ospital sa bawat SUCs ay isa sa mga posibleng solusyon sa kakulangan ng pasilidad at medical workers sa panahon ng health crisis tulad ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa pagkakaroon ng mga SUCs ng pagamutan ay inaatasan din ang mga paaralan na mag-alok ng medical course.
Ang mga itatayong ospital sa mga SUCs ang magsisilbing training grounds ng mga estudyante at magsisilbing “research institution” na magsasagawa ng mga pagsasaliksik at pag-aaral para mapalakas ang medical competence ng ating bansa.
Inaasahan namang makakatulong ito sa episyenteng pagpapatupad ng Universal Health Care Law sa oras na maging ganap na batas.