Mga suliranin na kinakaharap ng mga manggagawa, pinatutugunan sa incoming Marcos administration

Pinaaaksyunan ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa incoming Marcos administration ang mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa sa bansa.

Sa privilege speech ng kongresista, umaapela siya kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na solusyunan at tuldukan ang matagal nang problema sa “endo” o kontraktwalisasyon.

Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng disente at mas mataas na sahod para sa mga manggagawa.


Aniya, bagama’t may ilang dagdag-sahod na aprubado na sa ilang rehiyon, hindi umano sapat ito para sa mga manggagawa at kani-kanilang pamilya.

Inihirit ng kongresista na tiyakin na walang rehiyon ang maiiwan sa pagtaas ng sahod, at mas mainam kung ipatupad ang “national minimum wage” na ₱750 sa buong bansa.

Bagama’t hindi na nakapasok ang Bayan Muna Partylist sa 19th Congress, iginiit ng kongresista na hindi natatapos dito ang serbisyo ng kanilang grupo sa publiko at patuloy na magiging aktibo sa pangangalampag sa gobyerno.

Facebook Comments