Tuluy-tuloy ngayong araw ang house-to-house testing ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit ng City Health Department.
Prayoridad na unahin ng pamahalaang Lungsod ng Quezon ang mga frontliners, senior citizens at may direktang contact sa COVID-19 positive patients.
Umabot na sa 167 katao ang nag pa- test sa testing center sa QCX sa Memorial Circle at iba pang hospital sa lungsod.
Ayon kay Project Manager Joseph Juico, bukod sa 65 katao na nagpatest sa Quezon Memorial Circle, may anim na iba pa ang nagpa-test sa Novaliches District Hospital, 56 sa Quezon City General Hospital habang ang 40 tests ay pinangasiwaan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit sa ginawa nilang house-to-house tracing.
Habang hinihintay ang resulta, lahat ng sumailalim sa testing ay inirekomenda na mananatili sa Hope II quarantine facility ng lungsod o mag-self quarantine sa bahay sa loob ng 14 araw.
Kapag ang isang pasyente ay magpositibo sa COVID-19, handa ang pasilidad na bigyan ito ng kinakailangang medical attention.
Base sa pinakahuling ulat ng City Health Department, pumalo na sa 942 ang confirmed cases sa QC.
Abot na sa 64 ang kabuuang bilang ng COVID-19 patients ang naka-recover habang nasa 60 ang namatay.