Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) na imbestigahan ang mga sumingit sa priority list ng COVID-19 vaccination program.
Ito ang pahayag ng Pangulo kasunod ng ulat na may limang alkalde at isang aktor ang nabakunahan habang inuuna ang 1.7 million healthcare workers.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, inatasan na ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na imbestigahan ang mga sumingit sa pila.
Pinangalanan ng Pangulo ang mga local chief executives na nagpaturok na ng COVID-19 vaccine.
Kinabibilangan ito nina:
- Mayor Alfred Romualdez (Tacloban City, Leyte)
- Mayor Dibu Tuan (T’boli, South Cotabato)
- Mayor Sulpicio Villalobos (Sto. Niño, South Cotabato)
- Mayor Noel Rosal (Legazpi City, Albay)
- Mayor Abraham Ibba (Bataraza, Palawan)
Bukod dito, binanggit din ni Pangulong Duterte ang iba pang local officials na una nang nagpabakuna:
- Mayor Elenito Pena (Minglanilla, Cebu)
- Mayor Victoriano Torres III (Alicia, Bohol)
- Mayor Virgilio Mendez (San Miguel, Bohol)
- Mayor Arturo “Jed” Piollo II (Lila, Bohol)
Tumanggi naman si Pangulong Duterte na pangalanan ang celebrity na nagpabakuna – na napaulat na si Mark Anthony Fernandez.
Bagamat maaaring magpabakuna ang mga alkalde para tumaas ang kumpiyansa ng publiko pero kailangan pa rin ito ng legal na pag-aaral.