Mga sundalo, dapat maging protektado laban sa COVID-19 ayon kay AFP Spokesman Edgard Arevalo

Photo Courtesy: AFP | Facebook

Dapat na maging protektado ang mga sundalo laban sa COVID-19 dahil malaki ang papel nila sa paglaban sa virus.

Ito ang naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Major General Edgard Arevalo sa ginawang mandatory na pagpapabakuna sa mga sundalo.

Ayon kay Arevalo, walang katotohanan na isinusubo sa alanganin ang mga sundalo dahil kailangan nila ito sa gitna ng pandemya.


Kasabay nito, sinabi pa ni Arevalo na maaari namang mamili ang mga sundalo na ituturok sa kanila sakaling ayaw nila ng bakuna ng Chinese pharmaceutical firm na Sinovac.

Pero, kailangan nila itong bayaran dahil ang Sinovac ang nakatalagang bakuna para iturok ng libre sa mga tauhan ng AFP.

Para naman sa mga sundalong may medical conditions, sinabi ni Arevalo na pwede silang tumangging magpabakuna pero kailangan lamang nilang magsabi kaagad para maidulog sa kanilang medical health unit para maikonsidera.

Facebook Comments