Tuturuan ang mga sundalo ng kaalaman sa pananalapi upang makaiwas ang mga ito na mabiktima ng mga “financial scam.”
Sa pamamagitan ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Armed forces of the Philippines (AFP), Banko Sentral ng Pilipinas (BFP) at Banco de Oro (BDO) Foundation.
Ang signing ceremony ng MOA sa AFP Commissioned Officer’s Club sa Camp Aguinaldo ay pinangunahan nina AFP Inspector General Lt. Gen. Antonio Ramon Lim na kumatawan kay AFP Chief General Benjamin Madrigal at BSP Governor Benjamin Diokno.
Ang MOA ay nagtatakda ng pagbuo ng isang Financial Education Program para sa mga sundalo, upang mapangalagaan nila ang kanilang ipon at “investments” na titiyak sa kanilang “financial independence and security”.
Ipinaabot naman ni Gen. Madrigal ang kanyang pasasalamat sa BSP at BDOF sa kanilang suporta sa proyekto na magbebenepisyo sa mga sundalo.
Sasagutin ng BDOF ang 3 milyong pisong halaga ng proyekto na gagamitin sa produksyon ng mga instructional materials at operating expenses.