Mga sundalong hindi magpapaturok ng vaccine kontra COVID-19, mapaparusahan sa ilalim ng article of war

Haharap sa disciplinary actions ang mga sundalong hindi magpapabakuna kontra COVID-19.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo matapos na sabihing mandatory sa mga sundalo ang pagpapabakuna.

Aniya, lalabag sa Article of War 105 o ang disciplinary actions of a commanding officers ang sundalong hindi magpapabakuna.


Pero sinabi ni Arevalo na hindi niya hinahangad na dumating pa sa puntong mahaharap sa disciplinary action ang isang sundalo dahil lamang sa hindi nagpabakuna.

Paliwanag ni Arevalo, bahagi ng tungkulin ng mga tauhan ng AFP ang magpabakuna at hindi ito “optional”.

Una na ring sinabi ni Arevalo na bilang mga propesyunal na sundalo, susunod sila sa anumang desisyon ng pamunuan ng AFP pagdating sa paggamit ng bakunang aprubado ng Bureau of Food and Drugs (BFAD).

Pero, kinokunsidera nila bilang prayoridad na mabakunahan ang kanilang mga medical personnel at frontliners na bumubuo ng humigit kumulang 25 porsyento ng kanilang pwersa.

Facebook Comments