Mga sundalong nagsagawa ng matagumpay na resupply mission sa Ayungin Shoal, binigyang papuri

Pinapurihan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner ang mga tauhang nagsagawa ng matagumpay na Rotation and Reprovisioning (RoRe) mission kahapon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Tinutukoy ni Brawner ang mga magigiting na tauhan ng dalawang resupply boat sa kanilang matagumpay na pagsasagawa ng RoRe mission.

Kasunod nito, nagpasalamat din si Gen. Brawner sa Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa kanilang pag-escort sa mga supply vessel.


Pinuri din nito ang AFP Western Command sa kanilang mahusay na pagpaplano, koordinasyon, at paglulunsad ng naturang misyon.

Ani Brawner, ang matagumpay na misyon ay hindi lamang titiyak sa maayos na kalagayan ng mga tropa na naka istasyon sa BRP Sierra Madre, kundi pagpapakita sa buong mundo ng determinasyon ng pamahalaan na itaguyod ang ating soberenya at hurisdiksyon sa West Philippine Sea.

Kahapon, matapos ang 5 oras na paglalayag ng dalawang resupply vessel mula sa Naval Detachment Oyster Bay sa Barangay Dahile, Puerto Princesa City, Palawan narating ng tropa ang Ayungin Shoal dakong alas 9:24 ng umaga kung saan sila ay nakapaghatid ng mga pagkain, tubig at iba pa sa mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre.

Facebook Comments