Kikilalanin bilang mga bayani ang mga sundalong nasawi at sugatan sa nangyaring trahedya na pagbagsak ng C-130 military plane sa Patikul, Sulu.
Sa House Resolution 1957 na inihain ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ay hinihikayat nito ang Kamara na kilalanin bilang “fallen heroes” ang 49 na sundalong pumanaw at 46 na sugatan sa nangyaring C-130 plane crash.
Ayon kay Rodriguez, karapat-dapat lamang na ituring at kilalanin bilang bayani ang mga sundalong sangkot sa insidente dahil ang mga ito ay nagtungo sa lalawigan na may misyong labanan ang terorismo sa lugar.
Aniya, ang mga sundalong ito ay idineploy ng 11th Army Division sa Sulu para maging frontline sa pagtugis sa Abu Sayyaf kidnap-for-ransom group.
Sa isa pang hiwalay na resolusyong inihain o ang House Resolution 1958 ay hiniling ng mambabatas na pasalamatan ng Kamara ang mga residente sa Patikul, Sulu na karamihan ay mga Tausug na tumulong sa pag-rescue at pag-recover sa mga biktima ng plane crash.
Hindi umano nag-alinlangan ang mga Tausug villagers na tumulong sa mga sundalo kahit pa ang mga ito ay nasa gitna ng kanilang pagdarasal.