Marawi City – Excited na ang karamihan sa mga sundalong nasugatan sa bakbakan sa Marawi City na makapiling ang kanilang pamilya sa Father’s Day bukas, June 18.
Ayon kay Cpl. Jeffrey Panesa, masaya siya dahil makikita na ulit niya ang kanyang anak na dalawang taong gulang pa lang.
Napasabak si Panesa sa bakbakan sa marawi noong June 2 at natamaan ng bala noong June 9 dahilan para malagay siya sa kritikal na kalagayan.
Sabi naman ni Col. Jonna Dalaguit, commanding officer ng Camp Evangelista Station Hospital, mas mapapabilis ang paggaling ng mga sugatang sundalo kung makakasama nila ang kanilang mahal sa buhay.
Kuwento naman ni Capt. Erwin Ercilla na nasugatan din sa bakbakan sa Marawi City na ginagawa niyang inspirasyon ang kanyang pamilya na matagal na rin niyang hindi nakikita.
Samantala, sinimulan na ng Department of Justice ang pagproseso sa mga benepisyo at claims ng mga sundalong namatay at nasugatan sa nagpapatuloy na krisis sa Marawi City bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga ito.