Problemado ngayon ang mga tindera ng Pasig Mega Market, dahil sa wala nang sariwang galunggong na mabili sa naturang palengke.
Ayon kay Susan Liwanag, tindera sa Pasig Mega Market, mahigit isang linggo na umano silang problemado sa suplay ng galunggong at tanging frozen na galunggong lang ang kanilang binebenta.
Inaasahan na rin umano nila ito, dahil kadalasang sa ganitong panahon na mag-di-Disyembre ay wala gaanong huling isda.
Nabatid na umiiral ngayon ang Closed Fishing Season sa Palawan na tatagal hanggang sa January 31, 2024.
Paliwanag pa ni Liwanag na sa ngayon, ang bentahan ng frozen galunggong ay ₱240.
Dagdag pa nito, na dahil sa kawalan ng sariwang suplay ng galunggong ay napipilitan umano ang ilang mamimili na mahilig sa galunggong na “frozen” muna ang kanilang bilhing isda.