Dumulog sa Kamara ang Medical Cannabis Society, mga pasyente, magulang at mga stakeholders na nagsusulong ng Medical Cannabis Bill.
Humarap ang mga supporters kay Isabela Rep. Antonio Albano na siyang naghain ng Philippine Medical Cannabis Compassionate Act o House Bill 279 ngayong 18th Congress.
Inisa-isa ng mga nagsusulong sa panukala ang kahalagahan na maipasa ang Medical Marijuana lalo na sa mga pasyenteng ito lamang ang tanging nakikitang gamot para sa kanilang sakit.
Sa ilalim ng panukala, binibigyang karapatan ang mga pasyente na maka-access sa ligtas, abot-kaya at available na medical cannabis.
Pero ito ay irereseta lamang ng mga registered physicians salig na rin sa international at local laws.
Para matiyak na hindi maabuso sa oras na maging ganap na batas, nililimitahan din ng panukala ang production, manufacture, export, import, distribution, trade at paggamit nito para lamang sa medical at scientific purposes.
Ilang pag-aaral na ang nakapagpatunay na epektibo ang medical marijuana sa mga sakit na epileptic seizures, pain management, multiple sclerosis, arthritis, ilang sintomas ng HIV-AIDS at cancer.