Inihayag ng Interior Secretary Eduardo Año, na ang nangyaring pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo,Sulu ay katulad ng nangyari noon sa Bali, Indonesia sa panahon ng Jemaa Islamiya.
Ayon kay Año, magkatulad ang bombing strategy na ginamit na ang intensyon ay tiyakin na malawak ang iiwang pinsala nito sa tao.
Gayunman, tiniyak ni Año na magiging matatag ang gobyerno sa pakikipaglaban at hindi patitinag sa anumang grupo na banta sa pagsira sa isinusulong na kapayapaan ng gobyerno sa mga dating rebelde sa Mindanao.
Aniya, ang DILG ay hindi kayang takutin ng mga peace spoilers at terorista.
Sinabi ng kalihim na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtugis sa mga taong gumagawa ng karahasan at sisikapin na ganap nang matuldukan ang terorismo at violent extremism sa bansa.
Sabi pa ng DILG chief ang gobyerno ay committed na sa tagumpay ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at hindi na mapipigilan ng anumang pag-atake tulad ng Jolo bombing.
Ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ay nagpapatuloy at hindi titigil hangga’t hindi nahuhubaran ng maskara ang mga responsable sa madugong insidente.